
Akalain mong bakla rin pala ang jeep?
Totoo. Nakikipag-unahan pa ako sa mga kapwa ko estudyante para lang maging passenger princess. Sa bagsik at init ng araw, higit kong iniiwasan sa bandang likuran dahil wala sa bokabularyo ko ang dumagdag sa mga komyuter na isinisiksik pa ni Manong Barker. Kaya dito sa tabi ni Kuyang Drayber kung saan maaari pang manalamin sa may batik na salamin, nagawa kong kumuha pa ng selfie para lang masabing may mirror shot na ako ngayong araw.
“Baka huling sakay mo na sa jeep na ako ang drayber, pogi,” biglang sambit ni Kuyang Drayber. Akala ko ay nagmo-monologue, iyon pala ay nakatingin sa akin. Sa ilang beses na sumakay ako rito sa jeep niya, ngayon ko lang napansin kung gaano kalungkot ang mga mata niya.
Inayos ko ang aking upo matapos itago sa bulsa ang hawak na cellphone. Nais ko rin sanang hawiin muna ang buhok ko pero napangunahan na ako ng nag-aalburutong puso.
“Paanong... bakit huling sakay ko na po?” tanong ko. Hindi ko maikakailang may halong kaba habang sinasabi iyon. Dahil sa daming beses kong sumakay rito bilang komyuter ay ngayon niya lang ako kinausap.
Hindi kaya napansin niyang sunod-sunod ang araw na sumasakay ako sa jeep niya at sunod-sunod akong passenger princess nito? Dahil ba roon? O baka napagtanto niyang crush ko siya?
“Nood-nood din kasi minsan ng balita, pogi. Puro chicks yata inaatupag mo eh.” Marahan siyang ngumisi at napailing. Hindi ko tuloy alam kung maiinis ba ako roon o kikiligin. Mainis dahil iniisip niyang chicks ang habol ko. Kilig naman dahil isa 'yang ngisi niya sa rason kung bakit nagagawa kong umabot ng gabi dito sa terminal para lang matiyempuhang siya ang drayber ng masasakyan ko.
Saglit niyang ipinatong ang matipuno niyang braso sa manibela. Isang malalim na buntong-hininga rin ang pinakawalan niya bago simulang paandarin ang jeep.
At tama siya, iyon na nga ang huling pagkakataon kong maging pasahero niya. Ngunit hindi ko rin inakalang iyon na rin pala ang huling beses na makikita siya.
Taong 2017 pa iyon noong nangyari. Anim na taon na ang nakararaan mula noong huli akong sumakay sa jeep na minamando niya. Ngayong nandito na ulit ako sa tapat ng terminal kung saan lagi akong nagbabaka-sakaling makita siya, saka ko lang naunawaan kung ano ang ibig niyang sabihin.
Jeepney phase-out.
Akalain mong ginawa ring bading ang jeep?
Bata pa ako noong mapagtanto ko kung sino't ano ako—isang tagong baklitang sapat na ang laruang barbie upang mapasaya. Musmos pa lang ay tinanggap ko na ang aking kapalaran. Kapalarang hindi ko pa man nasasaksihan ay ibinatay ko na sa idinidikta ng kasaysayan.
Kung 'di lang din naman dahil sa mga kolonyalistang espanyol ay baka hindi ko makukwento ito. Tanggap naman sa tradisyong Pilipino ang mga Babaylan noon ngunit binansagang banta sa bansa mula nang lasunin sila ng machismong hinasik ng mga mananakop. Mas pinapatag pa nga raw ito ng mga kolonyalistang amerikano hanggang sa tuluyang mabansagang salot sa lipunan ang mga bading.
Kaya hindi na nakapagtataka kung bakit ultimo pinakamaliit na yunit ng lipunan ay tila isinusuka na sila sa limot. Pamilya. Pamilyang sa halip na una't huling yayakap sa kanila ay magiging rason pa ng pagwasak. Kaya noong 1975, itinatag ni Justo Justo, isang gay rights advocate, ang Home of the Golden Gays— isang tahanan para sa mga may edad na beki na pinalayas ng sariling mga pamilya.
Ang dami kong sinabi pero nalaman ko lang naman lahat ito sa isang klase noong baitang 10 sa Araling Panlipunan. Doon ko napagtantong oo nga, noong unang panahon ay may phase-out nang nagaganap. Hindi nga lang mga jeepney ang nais phase-out— kundi mga bading.
Kaya naisip ko, bakla rin ba ang mga jeep para i-phase-out din sa lipunan?
Saan pupulutin ang mga jeepney drivers kung wala silang bersyon ng Home of the Golden Gays?
Tulala ako habang binabaybay ng mga tanong na ito ang isip ko. Sa paghakbang ng mga paa ko at sa muling pagsakay ng jeep, hindi ko na ninais pang maging passenger princess dahil hindi naman si Kuyang Drayber noon ang magmamaneho nitong sinasakyan ko.
Ngunit sa pagbaling ng tingin ko sa aking kanan, ang pamilyar na pabango ng isang lalaking kapapasok lang ang humalimuyak sa buo kong sistema; isang hindi inaasahang rason upang patibukin muli ang puso ko makalipas ang anim na taon.
"Ikaw pala, pogi,” aniya nang mapansing nakatitig na ako sa kaniya. Napangiti na ako dahil sa wakas, katabi ko na ulit ang itinuring kong Hari ng aking kalsada.
Batid kong hindi lang siya ang tsuper na naging pasahero ngayon dahil sa banta ng jeepney phase-out. Kaya kailanman, ang laban nila ay laban din ng gaya kong isang komyuter.
At katulad ng mga bading, buo ang tiwala kong hindi rin sila mapipigil sa paglaban sa sistemang baluktot, makasarili, at hindi makamasa.